Friday, March 8, 2019

Paraan ni Maria: Tips para ikaw ay magkapera

Gusto kong magkapera! ‘Yan ang kalimitang isinisigaw ng mga tao, kahit na ano pa ang kanyang lahi ay ‘yan ang tanging gusto niyang magkaroon dahil nga, ang pera ang dahilan kaya nagagawa nating makapagsabayan sa agos ng buhay. Kapag nawalan ka ng pera, siguradong para na rin tumigil ang ikot ng mundo mo.


Kaya naman naisipan kong isulat ang artikulo na ito. Ibig kong bigyan ka ng ilang tips para hindi ka mawalan ng pera o magkaroon ka ng pera. Hindi man kita nakikita ngayon, nakakasiguro akong napangiti kita. Kung ganoon, maigi pa talagang basahin mo na ang ilang paraan para ikaw ay magkapera.

Una, magtrabaho ka. Paano ka naman kasi magkakaroon ng pera kung hindi ka magbabanat ng buto? Kaya, kung nais mong magkapera, huwag mong sayangin ang oras mong gumawa ng walang kapararakang bagay,  maghanap ka ng trabaho. Kung nais mo talagang may makain ka o makatulong sa’yong pamilya, huwag ka na maging mapili. Ikaw din kasi ang mahihirapan niyan. Sana naman ay huwag mo rin hayaan na kumalam ang sikmura mo dahil kapag hinayaan mong mangyari ‘yan, kung anong kasamaan na lamang ang maisip mo. Ito ang dahilan kung bakit nagkalat ang snatcher at holdaper. Mayroon naman diyan na kahit na marami ng salabi ay gahaman pa, ayaw mawalan ng pera kaya ang ginagawa, nagiging lider ng sindikato. HUwag mong hayaang maging ganoon ka. Tandaan mo, lahat ng kasamaan ay may hangganan.

Pangalawa, maging responsable ka. Kung magiging masipag ka, tinitiyak ko sa’yo na lagi kang may makikitang pera. Bawat pagkakataon kasi ay susunggaban mo. Hindi ka na magiging mapili. Okay lang naman iyon, huwag ka lang gumawa ng masama dahil kapag ang pera mo ay nakuha mo sa masama, sinisiguro ko sa’yo, agad ding mawawala ‘yan. Maiging kapag nakahawak ka ng pera ay matuto kang mag-budget ng husto.

Pangatlo, alamin ang iyong kakayahan. Hindi naman maaari iyong lagi ka na lamang sumusugod. Kung napapagod ka, matuto ka ring huminto. Tapos ay isipin mo kung ano pa nga ba ang kakayahan mo? Baka naman may talento ka sa pagsusulat, pagpipinta o kung ano pa man. Kung ganoon, may maganda akong balita sa’yo. Marami kang trabaho makikita online na maaari kang kumita ng malaki, mas mae-enjoy mo pa dahil iyon ang kinahihiligan mo. Kaya, tigilan mo na ang pagmumukmok. Kilos na!

Pang-apat, magnegosyo ka. Sabi nga ng marami, hindi ka aasenso talaga kung mamamasukan ka lang. Kung alam mo naman na may kakayahan kang magnegosyo, ganoon ang gawin mo. Nakakatakot mang maglabas ng puhunan sa pagnenegosyo, hindi ka naman malulugi kung talagang gusto mo ginagawa mo. Basta, maging wais ka lang palagi para hindi ka rin maisahan. Kaya, kailangan mo ring mag-ingat sa makaka-transaksyon mo. Huwag kang basta maniniwala sa sinasabi sa’yo ng isang tao o mga tao, kailangan mo ring gamitin ang iyong isip kung talagang gusto mong magtagumpay sa buhay.

Pang-lima, mag-ipon ka. Kailangan mo rin siyempreng mag-impok hangga’t kumikita ka dahil kapag bigla kang huminto sa’yong pagtatrabaho ng hindi ka pa nakapag-iipon, anong mangyayari sa’yo? Tiyak ko na ang sagot ay hindi mo magugustuhan kaya kaysa ma-badtrip ka sa hirit ko, sundin mo na lang ang payo ko.

Kung ang mga langgam ay nagtatabi ng kanilang makakain para kapag inabutan na sila ng ulan ay hindi na sila lalabas sa kanilang lungga, bakit hindi mo rin gawin iyon tutal ang gusto mo naman talaga ay magkaroon ng pera?





No comments:

Post a Comment

Showbiz Balita ni Maria: Ang komedyanteng si Chokoleit, patay na!

Ang nakalulungkot na balitang ito ang bumungad sa akin ng magbkas ako ng FB kaya naman agad ko itong ikinumpirma sa pamamagitan ng mga Tweet...